DAGUPAN CITY- Hindi na nakabubuhay para sa mga jeepney drivers ang nakagawiang pagbyahe dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis dulot ng giyera sa Gitnang Silangan
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, Presidente ng Alliance of Concerned Transport Organization, hindi malabong magkakaroon ng malaking adjustments ang hanay ng mga jeepney drivers upang kahit papaano ay may kitain sa pasada.
Nakikita ni De Luna na mas mabuting magkaroon muna ng shifting ang bawat tsuper kung sakaling pumalo sa P100 kada litro ang bawat produktong petrolyo.
Subalit, sa lagay na ito ay bilang lamang sa iisang kamay ang magiging kabuoang byahe ng mga ito.
Kaniyang panawagan sa mga operators na pansamantalang bawasan muna ang boundary ng bawat tsuper upang kahit papaano ay may matitira sa kanilang kikitain.
Hindi rin umano malayo ang nararanasang paghihirap sa hanay ng mga modernized jeepney na labis din na apektado sa naturang lagay ng langis sa bansa.
Ikinatuwa naman ni De Luna ang P5,000 subsidy na matatanggap ng mga tsuper at operator mula sa gobyerno.
Ang naturang sabsidiya ay inilagay sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ilalarga sa huling linggo ng Marso ang para sa hanay ng mga jeepney drivers.
Mauunang makakatanggap ang mga tricycle drivers.
Gayunpaman, aminado si De Luna na hindi ito sasapat ngunit, malaking tulong na rin para sa kanilang sektor.
Samantala, inaabangan na nila ang pag-anunsyo ng Department of Transportation (DOTr) sa provisional fare increase para sa pampublikong jeepney.
Humihiling naman si De Luna ng pagpasensya at paunawa sa mga mananakay dahil sa wala na silang kikitain kung sakaling hindi ito ipatupad.
May ilan na rin tsuper ang sinusukuan na ang pagpapasada dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang sektor.










