DAGUPAN CITY- Nasawi ang isang 9 na taong gulang na batang lalaki habang pitong iba pang mga bata ang nasugatan matapos na nabundol sila ng isang sasakyan habang naglalaro sa gilid ng kalsada sa Barangay Bonuan Gueset dito sa lungsod ng Dagupan.

Ayon kay PLt.Col. Brendon B. Palisoc, hepe ng Dagupan City Police Station, naganap ang insidente nang mawalan ng kontrol ang sasakyan at nahulog sa kanal sa mismong pwesto ng mga bata.

Sa salaysay ng driver ng sasakyan, iniwasan niya ang tumatawid na tao at isang nagbibisikleta, dahilan upang mabundol ang mga bata at tumama rin ang sasakyan sa pader.

--Ads--

Ayon naman sa mga residente, karaniwan nang naglalaro ang mga bata sa lugar at hindi nila inaasahan na mangyayari ang ganitong aksidente, dahil ang bahagi ng kalsadang iyon ay hindi na parte ng kalsada.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng kapulisan ang driver at inihahanda na ang kaso laban sa kanya.

Dagdag pa ni Palisoc, patungkol naman sa mga ordinansa ng bawat barangay, ito naman ay kanilang sinusuportahan.

Bagamat hindi pa sakop ng curfew ang insidenteng ito, mahigpit pa rin ang kanilang paalala sa mga residente, lalo na ang mga magulang, na mag-ingat para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.