Dagupan City – Pormal nang sinimulan ang proyekto ng PAMANA Water sa pamamagitan ng groundbreaking ceremony para sa itatayong deep well sa Brgy. Lasip Grande na layong mapabuti ang suplay ng tubig sa lugar at mga karatig barangay.

Ayon kay Branch Manager Glenn Gomez, mahalaga ang tubig sa pang-araw-araw na buhay kaya patuloy ang pagsisikap ng kanilang tanggapan na mapahusay ang serbisyo sa kabila ng mga hamon tulad ng El Niño at iba pang krisis. Aniya, ang proyekto ay bahagi ng layunin na makapagbigay ng sapat, maayos, at sustenableng suplay ng tubig sa komunidad.

Ang itatayong deep well sa Lasip Grande ang ika-26 na proyekto ng PAMANA Water sa lungsod, na tutugon sa problema ng mababang water pressure sa nasabing barangay. Inaasahang makikinabang dito ang tinatayang 7,000 kabahayan, kabilang ang mga kalapit na lugar dahil sa magkakaugnay na linya ng water system.

--Ads--

Batay sa pag-aaral, aabot sa humigit-kumulang 220 metro ang lalim ng pagbabarena upang matiyak ang mas mataas na kalidad ng tubig. Tinatayang aabutin naman ng hindi bababa sa tatlong buwan ang konstruksyon ng proyekto.

Binigyang-diin din ang mahalagang papel ng lokal na pamahalaan ng Dagupan City sa pagsasakatuparan ng proyekto, kabilang ang suporta mula sa pamunuan ng lungsod at ng barangay.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang mga opisyal ng Brgy. Lasip Grande sa proyekto sa pamamagitan ni Brgy. Kagawad Mary Jane Maramba, dahil inaasahan nitong masosolusyunan ang matagal nang problema sa suplay ng tubig. Sa kasalukuyan, limitado ang daloy ng tubig sa kanilang lugar kaya kinakailangan pa nilang mag-ipon lalo na tuwing gabi.

Sa tulong ng proyektong ito, inaasahang magiging mas maayos at tuloy-tuloy ang suplay ng tubig sa Brgy. Lasip Grande at mga karatig na komunidad.