DAGUPAN CITY- Ilang mga nagmamangga sa lalawigan ng Pangasinan ang pinabayaan na ang ilan sa kanilang mga puno ng mangga dahil sa labis na ikinalugi at gastos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mario Garcia, presidente ng Pangasinan Mango Growers Association, hindi pa sila nakakabawi mula sa pinsala ng Bagyong Uwan at pamemeste ng cecid fly noong nakaraaang taon, 2025, at lalo pang dumagdag sa kanilang paghihirap ang krisis na nararanasan ng bansa.

Aniya, umaabot na sa halos P50,000 ang ginagastos sa pagbyahe ng mga mangga mula lalawigan ng Pangasinan hanggang Metro Manila dahil sa matinding pagsirit ng presyo sa produktong petrolyo.

--Ads--

Bukod ito sa gasolina, kasama pa sa nasabing gastusin ang bayarin sa toll gate at pagpapasahod sa kanilang mga manggagawa.

Malaki na rin ang kanilang ginagastos sa spray para pamumulaklak at fertilizer.

Habang mas labis pa ang ginagastos sa pagbyahe sa pamamagitan ng barko, ayon umano ito sa ilang planta na nagpoproseso ng mangga.

Dumagdag pa sa kanilang paghihirap ang matumal na bentahan ng kanilang mangga sa bansa.

Sa katunanyan, ganitong panahon nagiging mabenta ang mangga sa merkado subalit dahil sa krisis, mas naging prayoridad ng mga konsumer ang mas mahalagang bilihin.

Sa ngayon, nagtitiis na lamang sila magbenta sa lokal na pamilihan at hindi na gaano bumabyahe sa Manila.

Gayunpaman, sapat pa rin aniya ang suplay ng mangga sa lalawigan kahit pa man paunti-unti na lamang ang kanilang pag-aani.