DAGUPAN CITY- Naging matagumpay at mapayapa ang paglalayag ng ‘first ever Sea Concert’ ng Atin Ito Coalition upang ipanawagan ang kaayusan sa West Philippine Sea.
Ang nasabing concert ay naganap simula May 26 hanggang May 30 kung saan nagtanghal ang ilan sa mga kilalang artists mula Pilipinas, South Korea, Indonesia, Malaysia, at Japan.
Nagsimula ang kanilang paglalayag sa El Nido, Palawan bago dumako sa Pag-asa Island para isagawa ang konsyerto.
Sa panayama ng Bombo Radyo Dagupan kay Roberto Ballon, Chairperson ng Katipunan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, namataan man nila ang dalawang China Coast Guard (CCG) na nakabuntot sa kanila subalit hindi na lumapit ang mga ito.
Aniya, maaaring napansin ng mga ito na mga sibilyan at media ang lulan ng kanilang barko, ang M/V Kapitan Felix Oca, kaya hindi sila nagtangka pang magpakita ng panghaharass.
Gayunpaman, aminado si Ballon na hindi pa rin nawala ang kanilang pangamba sa maaaring gawin aksyon ng China.
Samantala, wala pang katiyakan kung masusundan pa ang ginawang konsyerto subalit maaasahan na mas malakas ang kanilang gagawin.
Naniniwala naman siya na kung magpapatuloy ang pagpapakita ng bansa ng presensya sa karagatan at hindi karahasan ay magiging matagumpay na maipaglalaban ang karapatan ng mga mangingisdang Pilipino sa teritoryong inaagaw ng China.