Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga negosyante at mamumuhunan sa Canada bilang bahagi ng kanyang opisyal na pagbisita sa bansa mula Hulyo 1 hanggang 4, 2026.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kabilang sa mga sektor na makakadaupang-palad ng Pangulo ang pagmimina, information technology (IT), business process management (BPM), telekomunikasyon, nuclear energy, at serbisyong pinansyal.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bombo International News Correspondent sa Canada na si Ruth Marie Magalong, sinabi nitong hati ang pananaw ng mga Pilipino roon kaugnay ng pagbisita ni Pangulong Marcos.
Ayon kay Magalong, may mga grupo at organisasyong nagpapakita ng suporta sa administrasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad at adbokasiya, habang mayroon ding mga sektor na nagpahayag ng pagtutol.
Dagdag pa niya, nakatakda ring magsagawa ng meet and greet ang Filipino community matapos magpadala ng paanyaya ang Philippine Consular Office sa Canada sa mga miyembro ng komunidad.
Samantala, sinabi rin ni Magalong na nananatiling mataas ang sigla ng FIFA Fever sa Canada kasabay ng nagpapatuloy na FIFA World Cup 2026, na patuloy na dinarayo at sinusubaybayan ng mga residente at mga dayuhang bisita.










