Nanawagan ang Federation of Free Workers sa Korte Suprema na agarang tugunan ang usapin sa pagpapatupad ng ₱85 dagdag-sahod sa National Capital Region, kasunod ng pag-freeze sa wage order ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board.
Ayon kay Julius Cainglet, vice president ng Federation of Free Workers, nararapat umanong marinig ng Korte Suprema ang panig ng mga manggagawa at matukoy kung naaayon sa batas ang pagharang sa pagpapatupad ng wage order.
Pinuri naman ni Cainglet si Department of Labor and Employment Secretary Bienvenido Laguesma dahil sa paghahain nito ng Motion for Reconsideration upang ipatigil ang freeze at maisakatuparan ang ₱85 wage hike sa NCR. Gayunman, sinabi niyang mas mainam sana kung agad itong naisagawa.
Kuwestiyon din ng grupo kung nararapat bang isang Regional Trial Court ang maglabas ng kautusan laban sa isang regional wage board na may mandato sa ilalim ng umiiral na batas upang magtakda ng minimum wage sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay Cainglet, kung may alegasyon ng iregularidad o pagmamalabis sa proseso ng wage board, ang dapat umanong maging venue ng apela ay ang National Wages and Productivity Commission at hindi basta-basta ang mga Regional o Municipal Trial Court.
Nangangamba rin ang FFW na baka maging daan ang insidente upang magsampa ng magkakahiwalay na kaso ang ilang employer sa iba’t ibang korte upang kuwestiyunin ang mga wage order sa kani-kanilang rehiyon.
Para kay Cainglet, maaaring magsilbi itong precedent na gagamitin ng ilang employer upang maantala o harangin ang mga susunod na wage increase, lalo na’t taun-taon ay isinasagawa ang wage-setting process sa iba’t ibang rehiyon.
Binigyang-diin niyang ang posibleng pinakamalaking maapektuhan ng ganitong sitwasyon ay ang mga manggagawa, na umaasa sa dagdag-sahod upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Inihalimbawa rin ni Cainglet ang paulit-ulit na panawagan sa Pangulo na sertipikahan bilang urgent ang mga panukalang batas para sa dagdag-sahod. Aniya, isa sa mga dahilan ng Malacañang ay mayroon nang wage boards na siyang nagtatakda ng minimum wage.
Gayunman, sinabi ni Cainglet na kung ang mga wage order na inilalabas ng mga wage board ay maaari namang madaling maharang o kuwestiyunin sa korte, maaaring lalo lamang maantala ang benepisyong dapat matanggap ng mga manggagawa.
Sa gitna nito, iginiit ng FFW na kailangang malinaw ang proseso at hurisdiksiyon sa pagkuwestiyon sa mga wage order upang matiyak na hindi magiging kawawa ang mga manggagawa sa bawat pagtatalo tungkol sa kanilang sahod.









