Binigyan ng gradong apat, o katumbas ng 30 porsiyento, ng Federation of Free Workers (FFW) ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa pananaw nitong hindi nito natugunan ang karamihan sa mga kahilingan ng sektor ng paggawa.
Ayon kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, bagama’t positibong hakbang ang anunsyo ng Pangulo tungkol sa pagpapalawig ng income tax exemption para sa mga manggagawa, maliit lamang itong bahagi ng mga panukalang matagal nang isinusulong ng kanilang grupo.
Sinabi ni Cainglet na mas mataas pa sana ang income tax exemption threshold na hinihiling ng mga manggagawa. Ipinaliwanag din niyang kahit ang mga empleyadong mababa ang kinikita ay nagbabayad pa rin ng buwis sa pamamagitan ng value-added tax (VAT) na nakapaloob sa presyo ng mga produktong kanilang binibili.
Target umanong maaprubahan ang panukalang pagpapalawig ng income tax exemption sa Agosto, ngunit inaasahang sa susunod na taon pa ito tuluyang maipatutupad kapag natapos ang kinakailangang proseso sa Kongreso.
Nanawagan din ang FFW sa pamahalaan na alisin ang excise tax sa ilang pangunahing bilihin at magpatupad ng mas mataas na buwis para sa pinakamayayamang pamilya sa bansa upang mabawasan ang hindi pagkakapantay-pantay ng kita at mas mapondohan ang mga serbisyong panlipunan.
Malaking tulong din umano ang inihayag ng Pangulo na pag-aalis ng system loss charges sa singil sa kuryente. Gayunman, sinabi ng grupo na mas makabubuti kung maisasama rin ang sektor ng tubig upang mas marami pang mamamayan ang makinabang sa mas mababang gastusin sa mga pangunahing serbisyo.
Samantala, nagpahayag din ng pag-aalala ang Federation of Free Workers kaugnay ng planong proyekto ng Pax Silica na inaasahang lilikha ng karagdagang trabaho sa bansa. Ayon kay Cainglet, bagama’t mahalaga ang paglikha ng mga bagong oportunidad sa trabaho, dapat ding timbangin ang posibleng epekto ng naturang proyekto sa suplay ng tubig.
Aniya, ang mga data center na ginagamit para sa artificial intelligence ay nangangailangan ng malaking dami ng tubig para sa cooling system at data storage. Dahil dito, iginiit niyang dapat tiyakin ng pamahalaan na sapat ang suplay ng tubig bago pahintulutan ang ganitong uri ng pamumuhunan.
Iginiit din ng FFW na dapat magkaroon muna ng malawak na konsultasyon sa mga manggagawa at iba pang sektor bago tuluyang ipatupad ang proyekto upang matiyak na mapapangalagaan ang kapakanan ng mga empleyado, komunidad, at likas na yaman ng bansa.










