Iginiit ng Federation of Free Workers (FFW) na walang hurisdiksyon ang Regional Trial Court (RTC) sa usapin ng pagtatakda at pagpapatupad ng dagdag-sahod ng mga manggagawa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, na ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) lamang ang may kapangyarihang maglabas ng wage order.

Aniya, kung may usapin o pagtutol sa dagdag-sahod, hindi ang Regional Trial Court ang nararapat na magpasya rito.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Cainglet na ang RTWPB, kasama ang Kongreso at Senado ang may mandato sa mga polisiyang may kinalaman sa sahod ng mga manggagawa.

Ang pahayag ay kasunod ng pansamantalang pagpapatigil sa pagpapatupad ng ₱85 dagdag sa arawang sahod ng mga minimum wage earners sa Metro Manila matapos maglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Pasig Regional Trial Court.

Nakatakda sanang ipatupad ang wage order noong Hulyo 25.

Ayon kay Cainglet, hindi na nga sapat ang itinakdang dagdag-sahod upang matugunan ang tumataas na gastusin. Aniya, marami na sa mga manggagawa ang nakaasa at nakapaglaan na ng paggagamitan ng inaasahang dagdag na kita.

Matatandaang pinaboran ng Pasig Regional Trial Court ang petisyon ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-11 Builders Incorporated na pansamantalang suspendihin ang pagpapatupad ng NCR Wage Order No. 27 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR).

Sa pagdinig ng kaso, iginiit ni Readycon Trading and Construction Corporation President Jesus Ignacio na ang pagpapatupad ng wage increase ay maaaring magdulot ng pagbaba ng kita ng kumpanya, pagbabawas ng mga manggagawa, at posibleng pansamantala o tuluyang pagtigil ng kanilang operasyon.