BOMBO DAGUPAN -Tinuldukan ni Erwan Heussaff ang kumakalat na espekulasyong hiwalay na umano sila ng asawang si Anne Curtis.

Nagsimula ito sa isang blind item tungkol sa dalawang showbiz personalities na hiwalay na raw.

Paglalarawan sa nasabing blind item, mag-asawa ang dalawa.

--Ads--

Hindi raw artista ang lalaki, pero kilalang-kilala ito sa showbiz dahil sa kanyang misis na sikat namang artista.

Marami sa netizens ang humulang sina Erwan at Anne ang tinutukoy sa blind item.

Lumakas pa ang hinala ng netizens nang lumipad kamakailan sa ibang bansa si Anne, kasama ang anak na si Dahlia, ngunit wala si Erwan.

Noong August 31, 2024, nag-post si Anne sa Instagram ng mga kuha nilang larawan sa Australia, kasama si Dahlia, kapatid na si Jasmine Curtis-Smith, at inang si Carmen.

Wala rin si Erwan sa ipinost na photo collage ni Anne sa kanyang July at August dump sa Instagram.

Dahil sa madalas na hindi pagsama ni Erwan sa mga biyahe ni Anne at Instagram posts nito ay binigyang kulay ito ng ilang netizens.

Hinimay-himay na nila ang iba pang detalyeng “pruweba” raw na hiwalay na ang dalawa kabilang na ang hindi na pagsuot ni Erwan ng kanyang wedding ring sa latest Instagram post nito.

Ngunit, agad nag-reply si Erwan para itanggi ang kumakalat na balitang hiwalay na sila ni Anne.