Nagkaroon ng mainit na bangayan sa plenaryo ng Kamara sa pagitan ni Caloocan Rep. Egay Erice at Iloilo Rep. Janette Garin matapos kuwestiyunin ni Erice ang umano’y pakikialam ni Majority Leader Sandro Marcos sa mga deliberasyon.

Ayon kay Erice, hindi naipapakita ang tunay na diwa ng minority bloc dahil tila pinangungunahan ng majority ang proseso, partikular sa usapin ng substitute bill para sa Anti-Political Dynasty.

Agad namang sumagot si Garin at iginiit na hindi dapat gawing personal ang mga deliberasyon, at ang layunin ng majority ay tiyakin ang maayos na daloy ng mga panukala.

--Ads--

Naungkat din ang pagkakatalaga kay Erice, na umano’y batay sa mungkahi ng isang dating mambabatas noong ika-19 na Kongreso. Inusisa ng lady solon kung bakit nagpapadikta ang minorya sa isang dating kinatawan.

Inakusahan naman ng Caloocan solon ang kinatawan mula sa Iloilo ng paglalagay ng salita sa kanyang bibig. Gayunman, nilinaw ni Garin na nagtatanong lamang siya ng categorical questions upang direktang masagot ng dating opisyal ng minorya.

Ang palitan ng salita ay naganap ilang araw matapos tanggalin si Erice bilang senior deputy minority leader at palitan ni Rep. Leila de Lima, kasunod ng kanyang pagtutol sa naturang substitute bill.