Dagupan City – Ipinamamahagi na ngayon sa bayan ng San Fabian ang 2,600 sako ng hybrid seeds ng palay sa mga magsasaka, na bahagi ng programa ng gobyerno na pinondohan mula sa Rice Tariffication Law.
Kasabay nito, ibinibigay din ang libre na patabang foliar at ipinapaliwanag ang kahalagaan ng pagpapa-insured ng mga pananim at mga alagang hayop.
Ayon kay Johnny Jugo Paraan, ang Head ng Municipal Agriculture Office ng San Fabian, ang programa ay bahagi ng mga inisyatiba ng Kagawaran ng Agrikultura kaugnay sa Rice Competitiveness Enhancement Program o RCEP.
Bukod sa hybrid seeds, inaasahang darating na rin ang mga inbrid seeds na mas mababa ang gastos at maaaring gamiting binhi ulit ang ani.
Gayunpaman, binibigyang-diin na ang hybrid seeds ay mas mataas ang ani na ibinibigay, kaya ito ang pangunahing binibigyang-prayoridad ng Kagawaran ng Agrikultura.
Bukod sa mga binhi at pataba, inaalok din ang suporta sa programa ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Dahil sa pabago-bagong klima, hinihikayat ang mga magsasaka na magpa-insure para may matanggap na tulong kung sakaling maapektuhan ng bagyo, baha, pagguho ng lupa, o iba pang hindi inaasahang pangyayari.
Sakop ng nito hindi lamang ang palay kundi pati na rin ang mga gulay, alagang hayop, pangisdaan, bangka, at mga fish pen o fish cages.
Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng National Irrigation Administration (NIA) sa pagbibigay ng patubig sa mga sakahan, lalo na sa mga lugar na may malawak na sakahan.
Nakipagpulong na ang tanggapan sa mga kinatawan ng NIA para planuhin ang tamang panahon ng pagtatanim, bagama’t nakadepende pa rin ito sa pagdating ng ulan.
Samantala, Hinihikayat ng Municipal Agriculture Office ang lahat ng mga magsasaka ng San Fabian na samantalahin ang mga programa ng gobyerno.
Maaaring makipag-ugnayan sa Municipal Agriculture Office o pumunta diretso sa opisina para sa karagdagang impormasyon at tulong sa pagpaparehistro at pagkuha ng mga benepisyo mula sa mga programa.










