Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na hindi madadagdagan ang presyo ng quarry materials sa kabila ng ipatutupad na pagbaba sa quarry extraction fees sa lalawigan.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, na siya ring presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, matapos maaprubahan ang Provincial Ordinance No. 62-2026, na naglalayong magpatupad ng pansamantalang adjustment sa road maintenance fees at quarry extraction fees sa lalawigan, ang naturang hakbang bilang tugon sa mataas ng presyo ng krudo at iba pang gastusin sa operasyon ng mga quarry operators.
Sinabi ni Lambino na layunin ng pagbabawas sa quarry extraction fees na mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga quarry operator, haulers, contractors, at iba pang stakeholders upang hindi na maipasa sa mga mamimili ang posibleng dagdag-gastos sa quarry materials.
Kabilang sa mga iminungkahing hakbang sa ilalim ng ordinansa ang pansamantalang pagbaba ng road maintenance fees para sa hauling trucks at pagbabawas ng quarry extraction fees mula ₱50.00 pababa sa ₱35.00 kada cubic meter.
Kasama rin sa panukala ang mas mahigpit na pagpapatupad ng monitoring at transparency sa pangongolekta ng mga bayarin upang matiyak ang tamang paggamit ng pondo at mapanatili ang maayos na kondisyon ng mga kalsada at iba pang imprastraktura sa Pangasinan.
Binigyang-diin naman ni Lambino na mahalaga ang pagkakaroon ng balanse sa pagitan ng kaunlarang pang-ekonomiya at pangangalaga sa kalikasan, kasabay ng patuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga programang makatutulong sa mga mamamayan at sa sektor ng industriya.










