Dagupan City – Nagsampa ng pormal na reklamo ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa apat na negosyante sa lalawigan ng Pangasinan matapos umanong makitaan ng paglabag sa umiiral na mga regulasyon sa patas na kalakalan.
Pitong establisyemento naman ang pinadalhan ng notice of violation habang apat ang nakatanggap ng show cause order.
Ang notice of violation ay inilalabas kapag may natukoy na posibleng paglabag sa inspeksyon at nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga may-ari ng negosyo na magpaliwanag bago tuluyang magsampa ng kaso.
Samantala, ang show cause order ay ipinapataw sa mga negosyong nagsasagawa ng sales promotion activities nang walang kinakailangang permit mula sa ahensya.
Umabot na sa 456 na negosyo sa buong Pangasinan ang na-inspeksyon ng DTI mula Enero ngayong taon.
Sa kabila ng ilang naitalang paglabag, nananatili namang mataas sa 98 porsyento ang antas ng pagsunod ng mga negosyo sa mga umiiral na regulasyon.
Karamihan sa mga paglabag ay may kaugnayan sa standards laws, kakulangan sa accreditation, at hindi pagsunod sa sales promotion regulations sa ilalim ng Consumer Act, kabilang ang pagbebenta ng mga produktong walang sertipikasyon at hindi sumailalim sa pagsusuri ng Philippine National Standard.










