Nakabantay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa sitwasyon ng mga residenteng apektado ng panibagong pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island, Ayon kay Secretary Rex Gatchalian.

Kasunod ng panibagong pagputok ng bulkan, sinabi ng kalihim na pinapatutukan na nito sa mga field office ang maagang pagbibigay ng supplies.

Sa kasalukuyan, mayroon aniyang sapat na naka-preposition na Family Food Packs (FFPs) sa Visayas region para agad na maipamahagi sa mga apektadong residente.

--Ads--

Kinabibilangan ito ng mahigit 192,000 Family Food Packs na nakahanda sa Negros Island Region, at karagdagang 100,000 FFPs na naka-preposition sa katabing Region 7 (Central Visayas).

Ayon sa kalihim, maaari pang magdagdag ang central office kung kakailanganin o kung mapatagal pa ang pag-alburoto ng bulkan at lumawak ang epekto nito sa buhay at kabuhayan ng mga residente.

Nais aniya ng administrasyon na hindi lamang tiyakin ang sapat na pagkain para sa mga apektadong pamilya, kundi maging mas maayos at komportable rin ang kanilang pananatili sa mga evacuation center.

Maliban sa mga FFPs, nakahanda rin ang dagdag na family tent at iba pang non-food items na maaaring magamit ng mga residente.