DAGUPAN CITY- Inaresto ang isang 43-anyos na lalaki matapos maaktuhang nagpapalaro ng drop ball sa isang peryahan sa Barangay Talang, San Carlos City, bandang 11:25 ng gabi kamakailan.
Ayon kay PLt Col Zaldy Fuentes, COP ng San Carlos City PNP, isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na sugal sa lungsod.
Kinilala ang suspek na nagtatrabaho bilang amusement fair worker at residente ng nasabing lungsod.
Naaresto siya matapos maaktuhan ng mga operatiba ng San Carlos City Police Station na nagpapatakbo at nagmamantine ng drop ball, isang uri ng pasugal na may kinalaman sa pagtaya ng pera.
Ayon kay Fuentes, pagdating ng mga pulis sa lugar, nagtakbuhan umano ang mga bettor o nagtataya at naiwan ang suspek na siyang nag-ooperate ng sugalan.
Narekober sa kanyang posisyon ang isang tombola, tatlong drop ball, apat na gaming board, dalawang money tray, at bet money na nagkakahalaga ng 730 piso.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa San Carlos City Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Nakadetine na rin ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 na inamyendahan ng Republic Act 9287.
Ipinaliwana ni Fuentes na maituturing na ilegal ang naturang aktibidad dahil sangkot ito sa pagtaya ng pera at walang kaukulang lisensya, taliwas sa mga lehitimong laro tulad ng Small Town Lottery o STL na may pahintulot.
Nagpaalala naman ang pulisya na maaari ring maaresto ang sinumang mahuhuling nagsusugal, maging sa mga barangay na naglalaro ng baraha o iba pang uri ng pasugal na may pera.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na iwasan ang pakikilahok sa anumang ilegal na sugal at makipagtulungan sa kampanya ng kapulisan laban sa ganitong gawain.










