DAGUPAN CITY- Mas pinaigting ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasaayos at pagkumpleto ng mga pangunahing proyekto sa Pangasinan kasunod ng isinagawang inspeksyon ni DPWH Secretary Vince Dizon sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Inikot ng kalihim ang ilang imprastraktura kabilang ang mga bypass road na matagal nang nakabinbin, kung saan ilan ay umaabot na sa halos siyam na taon na hindi pa natatapos.
Layunin ng ahensya na tapusin ang mga proyektong ito bago matapos ang taong 2027 upang mapabuti ang daloy ng trapiko at koneksyon ng mga bayan sa lalawigan.
Isa sa mga tinutukan ay ang isang bypass road project na sinimulan pa noong 2018 ngunit hindi pa rin ganap na nakukumpleto dahil sa kakulangan sa pondo at isyu sa right-of-way.
Inaprubahan na ang karagdagang pondo para sa right-of-way upang maipagpatuloy ang koneksyon nito hanggang Dagupan City.
Bukod sa mga kalsada, binigyang pansin din ang sirang hanging bridge sa Barangay San Juan sa bayan ng Agno na napinsala ng nagdaang bagyo noong Hulyo ng nakaraang taon.
Dahil sa pagkasira ng tulay, napipilitang umikot ng humigit-kumulang 24 kilometro ang mga residente, kabilang ang mga estudyante, upang makatawid sa kabilang barangay.
Apektado rin ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente, kabilang ang pagdadala ng mga produkto at maging ang paglilibing ng mga namayapa, dahil sa kawalan ng maayos na daanan. Itinuturing itong kritikal na imprastraktura na kinakailangang agarang tugunan.
Sa halip na kumpunihin lamang, plano ng DPWH na magtayo ng permanenteng tulay na may matibay na pundasyon upang matiyak ang kaligtasan at pangmatagalang gamit nito.
Isasaalang-alang din ang pagpapalapad ng tulay upang makadaan ang mga motorsiklo, traysikel, at maging ang mga sasakyan kahit sa limitadong kapasidad.
Target na simulan ang konstruksyon ngayong taon at makumpleto bago matapos ang 2026, gamit ang pondo mula sa calamity funds upang mapabilis ang implementasyon.
Samantala, patuloy rin ang pagsasaayos ng flood control projects sa lalawigan, kabilang ang mga floodgate sa coastal areas.
Isa na ang natapos habang target namang madagdagan pa ang mga ito sa loob ng taon at sa susunod na taon upang maiwasan ang pagbaha sa mga komunidad lalo na tuwing high tide at tag-ulan.
Ayon sa DPWH, mahalaga ang sabayang pagpapatupad ng mga floodgate at pumping system upang mas epektibong makontrol ang pagpasok ng tubig sa mga barangay sa baybaying bahagi.
Sa kabuuan, nakatuon ang ahensya sa pagpapabilis ng implementasyon ng mga imprastraktura sa Pangasinan, partikular ang mga proyektong may direktang epekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan, kabilang ang transportasyon, kaligtasan, at kabuhayan.










