Inilatag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tatlong antas ng solusyon para tugunan ang matagal at malawakang pagbaha sa Dagupan City, matapos ang pakikipagpulong kay Archbishop Socrates Villegas, mga opisyal ng lungsod at Pangasinan 4th District Congresswoman Gina De Venecia.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, kabilang sa agarang hakbang ang dredging sa upstream na bahagi ng Sinocalan River, kung saan madalas nananatili nang ilang linggo ang tubig-baha. Sa mga susunod na araw, nakatakdang i-mobilize ng DPWH ang mga dredging equipment mula sa rehiyon at iba pang lugar, kabilang ang equipment na ipagkakaloob ng lalawigan sa koordinasyon kay Governor Ramon Mon-Mon Guico III.

Kasunod ng dredging, maglalagay ang DPWH ng hindi bababa sa apat na mobile pumping units sa Dagupan na nakatakdang manatili sa lungsod upang makatulong sa mabilis na pag-alis ng tubig sa mga binabahang barangay.

--Ads--

Kasama rin sa immediate measures ang inspeksiyon at pagkukumpuni ng mga gabion wall at floodgate sa Barangays Bacayao Sur at Bacayao Norte. Susuriin din ang posibleng backflow mula sa mataas na tubig sa Pantal River, kung saan planong maglagay ng sheet pile at mobile pump upang makatulong sa pagkontrol at pagdaloy ng tubig.

Para naman sa medium-term solution, nakapaloob sa plano ang pagtatayo ng dalawang detention basin, kabilang ang isang lugar sa plaza at ang Hinarangan Lake. Palalakihin din ang drainage system sa ilalim ng road improvement project sa Burgos upang madagdagan ang kapasidad nitong tumanggap at maglabas ng tubig. Target na simulan ang mga proyektong ito sa 2027.

Sa pangmatagalang plano, bubuo ang DPWH ng malaking artificial lake o detention basin sa isang humigit-kumulang 47-ektaryang lugar sa Calasiao, sa labas ng boundary ng Dagupan. Magtatayo rin ng channel na maglilihis sa tubig mula Calasiao patungo sa nasabing basin bago ito makarating sa Dagupan, at ilalabas ang tubig patungong Pantal River. Tinatayang aabutin ng dalawa hanggang dalawa’t kalahating taon ang pagpaplano at pagsasagawa ng proyekto.

Binigyang-diin ni Dizon na kailangan ang koordinasyon ng DPWH, Dagupan City Government at iba pang stakeholder upang maisagawa ang mga proyekto. Kabilang sa kailangang tugunan ang mga usapin sa right-of-way, na nangangailangan ng suporta mula sa lokal na pamahalaan at konseho ng lungsod.

Samantala, sinabi ni Congresswoman Gina De Venecia na magiging modelo ng DPWH ang malaking cistern na itinayo sa ilalim ng cathedral area sa tulong ni Archbishop Socrates Villegas. Plano umanong gayahin ang naturang konsepto sa apat na barangay na kabilang sa mga pinakaapektado ng pagbaha.

Tiniyak naman ni Dagupan City Vice Mayor Bryan Kua ang pakikipag-ugnayan ng lungsod sa DPWH upang suportahan ang pagpapatupad ng mga short-term, medium-term at long-term flood-control projects.

Layunin ng magkasanib na hakbang ng national at local government na mabawasan ang matagalang pagbaha sa Dagupan at magkaroon ng mas sistematikong flood-management infrastructure sa lungsod.