Nanawagan ang Deputy Administrator for Research and Development ng DOST-PAGASA, Marcelino Villafuerte II, sa publiko na umasa lamang sa opisyal at beripikadong impormasyon pagdating sa lagay ng panahon at klima.

Ayon sa opisyal, mahalagang magkaroon ng malinaw na pag-unawa ang publiko sa mga inilalabas na abiso at babala ng mga kinauukulang ahensiya.

Aniya, kung may mga pagkakataong hindi lubos na nauunawaan ang mga inilalabas na impormasyon, hinihiling nila ang pang-unawa ng mamamayan at hinihikayat ang mga ito na direktang sumangguni sa opisyal na pahayag ng ahensiya.

--Ads--

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-iwas sa pagpapakalat at paniniwala sa mga hindi kumpirmadong ulat o tinatawag na fake news, lalo na kung ito ay may kinalaman sa mga usaping maaaring makaapekto sa kaligtasan ng publiko.

Iginiit ng DOST-PAGASA na bilang mandatadong ahensiya ng pamahalaan sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa panahon at klima, patuloy silang magsisikap na maghatid ng tama, napapanahon, at makabuluhang datos upang magabayan ang mamamayan sa kanilang pang-araw-araw na gawain at paghahanda sa anumang posibleng kalamidad.