DAGUPAN CITY- Umaapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 ng mas malawak na suporta para sa mga manggagawa at negosyo sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at epekto ng krisis sa Middle East, na posibleng magpahina sa turismo at kabuhayan ngayong nalalapit ang Semana Santa.

Ayon kay Exequiel Ronie Guzman, Regional Director ng DOLE Region 1, inaasahang maaapektuhan ang daloy ng turista sa rehiyon dahil sa pagmahal ng fuel, na direktang tatama sa kita ng mga hotel, restaurant, at iba pang negosyo, gayundin sa sektor ng retail at wholesale na nakararanas na ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Binigyang-diin ng DOLE na hindi sapat ang simpleng umento sa sahod bilang tugon, dahil maaari rin itong magdulot ng dagdag na pasanin sa mga negosyong hirap na rin sa operasyon.

--Ads--

Sa halip, iminungkahi ang mas malawak na pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maglatag ng agarang ayuda at pangmatagalang solusyon.

Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatuloy ng mga programang pansamantalang trabaho tulad ng TUPAD para sa mga manggagawang apektado ng paghina ng negosyo o pagkagambala ng kanilang kabuhayan.

Patuloy namang mino-monitor ng DOLE ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa iba pang sektor upang matiyak ang agarang tugon, habang inaasahang lilinaw sa loob ng susunod na dalawang buwan kung pansamantala lamang ang epekto ng krisis o magtatagal pa bago tuluyang makabangon ang ekonomiya.