Buong suporta ang Department of Migrant Workers (DMW) Region 1 sa panukalang ordinansa ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan na naglalayong magtatag ng programang panglungsod para sa mga anak ng OFWs at kanilang mga tagapag-alaga, partikular ang mga lolo at lola.

Ayon kay Christian Rey Sison, Regional Director ng DMW Region 1, ang inisyatibang ito ay umaayon sa bisyon ng lungsod na “Pamilyang Matatag, Lungsod na Maunlad” at nagsisilbing makabuluhang tugon sa patuloy na nagbabagong pangangailangan ng mga OFWs at kanilang mga pamilya.

Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni Michael Fernandez ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang mahahalagang punto sa panukalang ordinansa kaugnay ng mas maayos na pagtukoy at pagtulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa lungsod.

--Ads--

Ayon kay Fernandez, ang binagong bersyon ng ordinansa ay naglalayong higit na mapalakas ang papel ng mga barangay sa tinatawag na “OFW mapping” upang makabuo ng mas tumpak na database.

Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng kumpletong datos upang mas mapahusay ang mga serbisyong maibibigay, lalo na para sa mga anak ng OFWs.

Binanggit din ng konsehal ang kahalagahan ng paglilinaw mula sa regional director na may dalawang uri ng OFWs—ang mga dokumentado at hindi dokumentado.

Dahil dito, hinihikayat ang boluntaryong pagpaparehistro ng mga OFW, partikular ang mga walang sapat na dokumento. Gayunman, kinilala rin niya ang pangamba ng ilan na magparehistro dahil sa takot na maaaring mauwi ito sa kanilang pagpapauwi sa bansa.

Upang maiwasan ang pag-uulit ng mga programa, ipinaalala rin niya na may kasalukuyang mga inisyatiba ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakatuon sa kapakanan ng mga anak ng OFWs, pati na sa mga kaso na kinasasangkutan ng kanilang mga kamag-anak.

Sa ilalim ng panukalang lokal na bersyon, nilinaw ni Fernandez na tututok ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay-suporta sa mga lolo at lola ng mga anak ng OFWs, upang matugunan ang mga partikular na pangangailangan ng mga pamilyang naiiwan sa Dagupan.