DAGUPAN, CITY— May matagal nang nagbanta na magpakamatay ang 66 anyos na lalake sa bayan ng Infanta.
Ayon kay P/Lt. Mark Jowel Medios, Deputy Chief of Police ng Infanta PNP, dahil nagkaroon ng stroke ang naturang biktima, hindi na ito nakapagtrabaho o nakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.
Aniya, ito umano ang nagbigay ng rason sa biktima sa kanyang nararanasang depresyon.
Napansin din umano ng kanyang mga kamag-anak ang pagbabago sa kanyang ugali gaya ng pagiging mainitin ang ulo, violente at hindi makausap ng maayos.
Matagal na umano nilang binabantayan ang naturang biktima dahil sa mga nakaran nitong pagbabanta ngunit itinaon umano nito ang pagpapakamatay sa oras na tulog ng kanyang mga kasama sa bahay.
Kaya naman paggising ng mga ito ay natagpuan na lamang nila na nakabitin ang wala nang buhay na padre de pamilya nila sa kisame gamit ang isang lubid.
Sa ngayon ay nagdadalamhati ang mga pamilya ng biktima at kasalukuyan na nilalamayan ito sa kanilang tahanan.
Nakatakda namang ilibing ang labi nito sa araw naman ng Sabado.