Nagpaabot ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga pamilya ng dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasawi matapos barilin ng kanilang amo sa isang hostage incident sa Beirut noong Abril 15, 2026.

Ayon sa impormasyon, ang dalawang biktima ay kapwa matagal nang nagtatrabaho bilang household service workers sa naturang tirahan.

Kinumpirma naman na pareho silang nasawi matapos barilin sa kasagsagan ng insidente.

--Ads--

Naaresto na ang kanilang amo at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso.

Sa direktiba ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, personal na bibisita ngayong araw sina DMW Undersecretaries Bernard P. Olalia at Felicitas Q. Bay sa mga naulilang pamilya upang ipaabot ang pakikiramay at tiyakin ang buong suporta ng pamahalaan.

Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Migrant Workers Office (MWO), katuwang ang Philippine Embassy in Lebanon, sa mga lokal na awtoridad upang masiguro ang masusing imbestigasyon.

Iginiit naman ng pamahalaan na patuloy nitong itataguyod ang hustisya para sa mga biktima at magbibigay ng tulong sa kanilang pamilya, kabilang ang repatriation at pag-access sa iba’t ibang benepisyo.