Inihayag ng abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na si Nicholas Kaufman, na hindi makikilahok ang dating pangulo sa pamamagitan ng video conference sa kanyang confirmation of charges hearing na nakatakdang magsimula sa Pebrero 23.
Ayon sa website ng International Criminal Court (ICC), gaganapin ang pagdinig sa Pebrero 23 mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon (oras sa The Hague), o alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi (oras sa Pilipinas).
Isasagawa ito sa harap ng Pre-Trial Chamber I sa Courtroom I.
Magpapatuloy ang mga pagdinig sa mga susunod na petsa: Pebrero 24, 26, at 27.
Sa nasabing pagdinig, ilalatag ng prosekusyon, depensa, at mga abogado ng mga biktima ang kani-kanilang argumento sa harap ng mga hukom.
Sa panayam, sinabi ni Kaufman na hindi lalahok ang dating pangulo sa confirmation hearing sa pamamagitan ng video conferencing.
Aniya, hindi rin umano kusang-loob na humarap si Duterte sa kanyang unang pagdinig gamit ang naturang teknolohiya.
Patuloy naman na inaabangan ang mga susunod na pagdinig kaugnay ng kaso sa ICC.










