Dagupan City – Naaresto ang dalawang lalaki sa bayan ng Sison sa kahabaan ng Provincial Road sa Barangay Asan Sur matapos mahuli ng mga pulis sa isang checkpoint habang may dalang aso na mahigpit na nakatali at nakakulong sa isang sako.
Nangyari ito sa isinagawang regular na checkpoint operation ng Sison Municipal Police Station nang mapara ng mga awtoridad ang isang motorsiklong sinasakyan ng dalawang lalaki para sa karaniwang inspeksyon.
Agad napansin ng mga pulis ang isang sako na parang may tila ingay ng hayop, at sa maingat na pagsusuri ay natuklasan ang isang aso na hindi lamang mahigpit na nakatali ang mga paa kundi pati na rin ang nguso gamit ang nylon rope.
Napansin din ng mga kasapi ng kapulisan na tila nahirapan ang hayop sa paghinga dahil sa paraan ng pagkakakulong at pagkakatali sa kanya.
Ayon sa paunang ulat, plano umano nilang iluto o gawing pagkain ang aso para sa isang okasyon na idaraos sa kanilang tahanan.
Agad na hinuli ang dalawang lalaki at dinala sila sa Sison Municipal Police Station para sa wastong dokumentasyon at paglulunsad ng imbestigasyon.
Samantala, mabilis na itinurn-over ang nasabing aso sa Municipal Agricultural Office kung saan agad itong binigyan ng medikal na pagtingin at maayos na pangangalaga.
Sinampahan na ng kaso ang dalawang suspek ng paglabag sa Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act of 1998.
Kasalukuyang nakapiit sila sa custodial facility ng Sison MPS, at ang piyansa ay umaabot sa PhP12,000.
Binigyang-diin ng kapulisan na ang insidente ay paalala na hindi tatanggapin ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga hayop sa kanilang lugar.










