Courtesy: Rest of World

Dagupan City – Nagsimula nang ipatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang pagpapasara sa mga pisonet establishments sa lungsod sa pamamagitan ng paglalagay ng Notice of Closure, alinsunod sa City Ordinance No. 2383-2026.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng ordinansa na makapagbigay ng mas ligtas at mas maayos na kapaligiran para sa mga kabataan sa pamamagitan ng pagpigil sa operasyon ng mga pisonet na umano’y nagiging dahilan ng labis na paggugol ng oras ng ilang kabataan sa paglalaro.

Sinabi ng lungsod na sa paglipas ng panahon ay napansin ang negatibong epekto ng ilang pisonet establishments, kabilang ang pagliban ng ilang kabataan sa pag-aaral, pagpapabaya sa kanilang oras, at pagkakalantad sa mga sitwasyong maaaring magdulot ng pang-aabuso at iba pang panganib.

--Ads--

Nakasaad din sa ordinansa ang legal na batayan sa paglalagay ng Notice of Closure at ang pananagutan ng sinumang magtatangkang magtanggal o manghimasok sa naturang abiso.

Ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, bahagi ng responsibilidad ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga hakbang na naglalayong maprotektahan ang kapakanan ng mga kabataan.

Binigyang-diin ng alkalde na layunin ng ordinansa na mailayo ang mga kabataan sa mga posibleng panganib, mahikayat silang pagtuunan ng pansin ang kanilang pag-aaral, at mabigyan sila ng mas magandang pagkakataon para sa kanilang kinabukasan.

Patuloy namang ipatutupad ng pamahalaang lungsod ang ordinansa bilang bahagi ng kampanya nito para sa mas ligtas at mas disiplinadong komunidad.