Iginiit ng transport group na PISTON na dapat imbestigahan ng pamahalaan ang patuloy na “dagdag-bawas” sa presyo ng produktong petrolyo, kasunod ng panibagong oil price movements na anila ay hindi nakatutulong sa mga mamamayan at sa sektor ng transportasyon.
Sa panayam kay PISTON President Mody Floranda, sinabi niyang nananatiling pabigat sa publiko ang presyo ng langis sa kabila ng mga paggalaw sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Floranda, may mga anunsyo umano ang ilang kumpanya ng langis na posibleng magpatupad ng panibagong taas-presyo sa susunod na linggo, kung saan tinatayang aabot sa humigit-kumulang ₱150 ang diesel, ₱80 ang gasolina, at ₱120 ang kerosene.
Giit niya, mula nang magsimula ang krisis sa presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East, tila walang malinaw na hakbang ang pamahalaan upang pigilan ang tuloy-tuloy na paggalaw ng presyo.
Binigyang-diin din ng lider-transport na panahon na upang muling pag-aralan ng gobyerno ang pagkakaroon ng sariling kakayahan sa suplay ng langis, kabilang ang ideya ng pagkakaroon ng sariling imbakan o reserba ng krudo upang hindi agad maapektuhan ng international market.
Ayon sa kanya, ang kasalukuyang sistema ay nagreresulta sa awtomatikong pagtaas ng presyo sa bansa tuwing may paggalaw sa pandaigdigang merkado.
Inilahad din ni Floranda na malaki ang epekto ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa mga tsuper at sa mga komyuter, lalo na sa gitna ng mababang kita at hindi sapat na sahod sa iba’t ibang rehiyon.
Aniya, hindi lamang sektor ng transport ang apektado kundi pati ang mga manggagawa at karaniwang mamamayan.
Nanawagan naman ang PISTON sa gobyerno n hindi lamang umasa sa mga oil company sa pagtakda ng presyo, kundi aktibong regulahin at suriin ang industriya upang maprotektahan ang interes ng publiko.










