Simula Agosto, ipatutupad ng Department of Agriculture Region 1 ang panibagong hakbang para sa mas malinaw na pagkilala ng mga mamimili sa pinagmulan ng karneng baboy sa merkado.

Layunin ng bagong patakaran na lagyan ng malinaw na label ang mga karneng baboy kung ito ba ay lokal o imported.

Ayon sa DA, bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya para sa transparency sa food supply chain at para na rin mapangalagaan ang interes ng mga lokal na magbababoy.

Kasama sa panuntunan ang mahigpit na direktiba sa mga meat importer, retailers, at wet market vendors na tiyaking maayos ang pagkakalagay ng label sa kanilang produkto.

Ipinaalala rin ng kagawaran na mananagot ang sinumang lalabag sa panuntunang ito.

Nilinaw naman ng DA na bahagi ito ng mas malawak na hakbangin upang masiguro ang food security ng bansa at mapanatili ang kumpiyansa ng publiko sa mga produktong ibinebenta sa merkado.

--Ads--

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa iba’t ibang sektor upang maayos na maipatupad ang bagong regulasyon.