Nagbabala ang isang maritime security expert na umano’y gumagamit ang China ng mga media outlet at paaralan para impluwensyahan ang opinyon ng publiko sa Pilipinas.

Sa isang panayam, sinabi dating U.S. Air Force colonel at dating Defence Attaché Ray Powell na batay sa mga imbestigasyon, ang United Front Work Department ay umano’y nagsasagawa ng mga lihim na operasyon sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.

Ibinahagi rin ni Powell ang mga ulat na may mga programang nagpo-promote ng “patriotism” sa mga school ng China at binanggit ang tinatawag na “blood transfusion plan” na umano’y ipinatupad sa pamamagitan ng Philippine Chinese Education Research Center noong 1991.

--Ads--

Dagdag pa niya, noong nakaraan ay pinulong umano ng Chinese Embassy in the Philippines ang mga kinatawan ng ilang Mandarin-language media outlets sa Maynila, kung saan hinihikayat ang mas mahigpit na pakikipagtulungan at pagsusulong ng mga mensaheng may temang nationalism.

Ayon pa sa analyst, may mga inisyatiba rin umanong nag-uudyok sa mga mag-aaral na ilarawan ang Japan bilang kalaban at magsulat tungkol sa “spirit of joint resistance.”

Binanggit din ni Powell na pinag-aaralan ng mga analyst ang tinatawag na Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI), na tumutukoy sa mga operasyon na layuning impluwensyahan ang opinyon ng publiko sa ibang bansa.

Gayunpaman, aniya, may mga ulat na ang mga researcher na tumutukoy sa ganitong mga aktibidad ay nakararanas umano ng harassment at pressure.

Sa kasalukuyan, ‘wala pang pahayag ang Chinese Embassy, Department of Education, Department of Health, at Malacañang hinggil sa naturang isyu.