Nagsagawa ang China ng isang missile test-fire mula sa kanilang nuclear-powered submarine patungo sa Karagatang Pasipiko ngayong Lunes, Hulyo 6.
Umani agad ang hakbang na ito ng matinding batikos at pangamba mula sa mga karatig-bansa tulad ng Japan, Australia, at New Zealand. Ikinaalarma ng mga ito ang patuloy na pagpapalawak ng militar ng China sa rehiyon.
Inilunsad ang missile dakong 12:01 ng hapon. Isinagawa ito ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) gamit ang isang nuclear submarine.
Naglalaman ang missile ng isang dummy warhead. Bumagsak ang missile sa international waters sa Pasipiko na itinalaga bilang designated area. Bagamat, walang inilabas na detalye ang China ukol sa eksaktong lokasyon ng pinagbagsakan nito.
Base sa report, ang missile launch ng China ay isang routine arrangement lamang para sa kanilang taunang military training. Nilinaw din ng kanilang pamahalaan na ang pagsasanay ay hindi nakadirekta sa alinmang bansa o partikular na target.
Ginawa ang missile test ilang oras lamang matapos lumagda ang Australia at Fiji sa isang bagong defense alliance. Sa ilalim ng kasunduan, nangako ang dalawang bansa na magtutulungan at susuportahan ang isa’t isa sakaling magkaroon ng anumang banta o pag-atake.










