Mas pinaigting ng Binmaley Municipal Police Station ang kanilang mga operasyon upang mabawasan ang mga vehicular traffic accident sa bayan na nagiging sanhi ng pagkasawi ng ilang motorista at pasahero.
Ayon kay PLtCol. Lister A. Saygo, Officer-in-Charge ng Binmaley PNP, napansin ng kanilang tanggapan sa mga nagdaang buwan ang pagdami ng mga aksidente sa kalsada na humantong sa pagkamatay ng ilang indibidwal.
Dahil dito, nagpatupad sila ng iba’t ibang hakbang upang maiwasan ang mga ganitong insidente.
Kabilang sa mga ipinatutupad na estratehiya ang mas pinaigting na police operations tulad ng OPLAN SITA, paglalagay ng checkpoints at pagdaragdag ng presensya ng mga pulis sa mga pangunahing kalsada. Nakatuon din ang kanilang pagbabantay sa mga motorsiklo, traysikel at mga UB Express upang matiyak na hindi sila nagpapatakbo nang mabilis na maaaring magdulot ng aksidente.
Nakikipag-ugnayan din ang Binmaley PNP sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Pedro “Pete” Merrera III para sa paglalagay ng mga reflectorized warning signs at signal sa mga kalsada.
Plano rin nilang maglagay ng mga PNP blinkers upang magsilbing babala lalo na sa gabi upang maging mas maingat ang mga motorista sa kanilang pagmamaneho.
Sa kasalukuyan ay isinasagawa pa ang procurement ng mga kagamitang ito at inaasahang ilalagay sa mga piling lugar sa sandaling makumpleto ang proseso.
Layunin nitong mapaalalahanan ang mga motorista na maghinay-hinay sa pagmamaneho at iwasan ang pagmamanehong mabilis na maaaring humantong sa aksidente.
Ipinaliwanag din ni Saygo na ang OPLAN SITA checkpoint ay bahagi ng police operations ng Philippine National Police kung saan itinatalaga ng Provincial Office ang iskedyul ng checkpoint habang ang lokal na himpilan naman ang pumipili ng mga lugar kung saan ito isasagawa.
Pinipili ang mga lokasyon kung saan madalas na napapabilis ang takbo ng mga sasakyan. Sa mga mataong kalsada naman ay ipinatutupad ang OPLAN SITA upang mabantayan ang galaw ng mga motorista.
Pinahihintulutan din ang mga pulis na magparada at magsiyasat ng mga motorsiklo at sasakyang pinaghihinalaang kahina-hinala.
Sa panahon ng checkpoint, pinahihinto at sinusuri ang mga four-wheel vehicles at mga pampasaherong sasakyan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Iginiit ng Binmaley PNP na ang lahat ng kanilang operasyon ay nakatuon sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad ng mga motorista at mamamayan sa bayan ng Binmaley.
Kasabay nito ang panawagan sa mga motorista na magmaneho nang maingat at huwag magmadali upang makaiwas sa aksidente at makauwi nang ligtas sa kanilang pamilya.










