Dagupan City – Pumalo na sa lima ang bilang ng mga nasawi matapos ang pagsabog at sunog sa isang hinihinalang iligal na pagawaan ng paputok sa boundary ng Barangay Tabo Sili at Calbueg sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan, nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 4, 2026.
Ayon kay Malasiqui Vice Mayor Daria Dolores Mamaril, kabilang sa mga nasawi ang isang pitong taong gulang na bata, kung saan ay nilarawan din niya ang mga biktima bilang magkakapamilya na umano’y umuupa lamang sa lugar.
Nauna nang nilinaw ni Mamaril na ang mga ito ay hindi residente ng barangay kaya hindi rin umano alam ng mga opisyal na may isinasagawang paggawa ng paputok doon.
Sa katunayan aniya ay ngayon lamang din nalaman na ang ginagamit umano bilang pagawaan ng paputok ay ang isang abandonadong piggery na nirentahan ng mga biktima.
Samantala, isa lamang umano ang nakaligtas mula sa pamilya, ito ay ang ina at ang isang anak na wala sa pinangyarihan ng insidente.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ang kanilang isinasagawang imbestigasyon kung saan ay inaalam pa rin ng mga awtoridad kung ang mga biktima mismo ang gumagawa ng paputok o mayroon pang taga-suplay ang mga ito.










