DAGUPAN CITY- ‎Patuloy ang problema ng mga magsasaka sa Barangay Salomague Sur, Bugallon, Pangasinan matapos masira ang drainage at patubig dahil sa isinasagawang solar power project sa lugar.

Ang proyekto ay pinangangasiwaan ng 3-Barracuda Energy Corporation, na nagsasagawa ng malawakang paghuhukay para sa solar power plant na sakop ang ilang barangay sa Bugallon, kabilang ang Salomague Sur.

Ang mga paghuhukay ang naging sanhi ng pagkasira ng mga daluyan ng tubig para sa irigasyon.

‎Ayon sa pamunuan ng barangay, sa pangunguna ni Barangay Captain Danilo Basi, hindi pa naaayos ang ilang apektadong bahagi at may mga lupang nadamay na hindi pa rin nababayaran.

Dagdag ni Basi, Tinatayang mahigit 700 metro ng drainage at irigasyon ang naapektuhan, na lalong ikinababahala ng mga residente dahil agrikultura ang pangunahing kabuhayan sa lugar.

Sa ngayon, patuloy ang pag apela ng barangay sa mga contractor ng proyekto na unahin ang pagsasaayos ng patubig bago ipagpatuloy ang konstruksyon.

Bagamat nagpapasalamat ang barangay sa tulong ng lokal na pamahalaan, nananatiling panawagan ng pamunuan ng barangay sa agarang solusyon upang hindi tuluyang maapektuhan ang sektor ng agrikultura sa lugar.

--Ads--