Dagupan City – Sa gitna ng patuloy na kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para maipatupad ang programang P20 kada kilong bigas, iginiit ng grupong Bantay Bigas na hindi ito sapat na tugon sa lumalalang krisis sa agrikultura, lalo na sa hanay ng mga magsasaka.
Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, matagal na nilang panawagan ang paglalagay ng floor price sa palay upang matiyak na hindi malulugi ang mga magsasaka.
Binatikos din niya ang walang habas na pagpasok ng imported na bigas na aniya’y lalong nagpapababa sa kita ng lokal na mga magsasaka.
Hinamon din ni Estavillo ang Department of Agriculture (DA) na maglagay ng mga buying stations sa bawat barangay upang direktang makabili mula sa mga lokal na magsasaka, nang hindi pinipili ang merkado o rehiyon.
Giit niya, dapat ay patas at bukas sa lahat ang pagbili ng gobyerno sa lokal na ani.
Tinuligsa rin ng Bantay Bigas ang Executive Order No. 62 na inilabas ng Malacañang, na layuning pababain ang presyo ng bigas sa merkado. Ngunit ayon sa grupo, hindi ito epektibo sapagkat nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa palengke at maraming retailers ang nahuhuling lumalabag sa itinakdang price cap.
Nanawagan ang grupo sa administrasyon na magpatupad ng malawakang reporma sa Department of Agriculture at tutukan ang isyu ng lupaing pansakahan.
Anila, mas lumalala ang problema ng mga magsasaka sa kakulangan ng suporta, mataas na gastos sa produksyon, at kawalan ng tunay na reporma sa lupa.