Dagupan City – Naghahanda na ang bansang Japan sa posibleng paglala ng tensyon sa rehiyon kasabay ng tumitinding sigalot sa middle east.

Ayon kay Myles Briones Beltran, Bombo International News Correspondent sa Japan, kasalukuyang pinaiigting ng pamahalaan ang pagbibigay ng gabay sa mga mamamayan hinggil sa kahandaan sa oras ng krisis.

Kabilang dito ang pagtiyak na may sapat na suplay ng tubig—hindi bababa sa dalawang litro kada tao bawat araw—gayundin ang pag-iimbak ng pagkain at iba pang mahahalagang pangangailangan.

--Ads--

Binibigyang-diin din ni Beltran ang sinabi ng pamahalaan ng Japan na kahalagahan ng pagpapanatili at pagprotekta sa suplay ng gasolina sa bansa.

Samantala, patuloy ring kumikilos ang Japan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan nito sa ibang bansa.

Nauna na rito nasa 100 Japanese at iba pang dayuhan ang lumikas mula sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East na ligtas na nakabalik sa Japan sakay ng isang chartered flight mula Oman nitong Linggo.

Batay sa ulat ng Japanese Foreign Ministry, 60 sa mga evacuees ang dumaan sa lupa patungong Oman mula Dubai sa United Arab Emirates, habang 30 naman ang nagmula sa Abu Dhabi.

Patuloy ang kaguluhan sa Middle East kasunod ng biglaang pinagsamang pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, na lalong nagpapataas ng pangamba sa lumalawak na sigalot sa rehiyon.

Sa kabila nito, nananatiling nakatutok ang Japan sa paghahanda at pagprotekta sa kapakanan ng mga mamamayan nito, sa loob man o labas ng bansa.