DAGUPAN CITY—Inihayag ni Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng Samahan ng Magbabangus ng Pangasinan (SAMAPA), na patuloy pang naghihirap makabangon ang bangus industry sa lalawigan matapos ang pinsalang dulot ng mga bagyo noong Nobyembre 2025.

Ayon kay Sibayan, ang Pangasinan ay isa sa pinakamalaking producer ng bangus sa bansa, ngunit marami sa mga magbabangus ang napilitang mangutang upang maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.

Partikular na naapektuhan ang produksyon ng fingerlings sa mga lugar tulad ng Dagupan, Binmaley, Lingayen, at Bugallon, kung saan halos naubos ang stocks dahil sa storm surge.

--Ads--

Ipinaliwanag niyang karamihan sa mga apektado ay maliliit na aquaculturists na may limitadong lawak ng palaisdaan, at umaasa lamang sa tsansang magkaroon ng sapat na survival rate ang kanilang produksyon.

Dahil sa pagkalugi, ang ilan ay napipilitang ipaupa ang kanilang palaisdaan sa mga may kapital, na nagdudulot ng lumalawak na agwat sa pagitan ng may puhunan at maliliit na producer.

Binigyang-diin ni Sibayan na matagal nang kulang ang suporta ng pamahalaan sa aquaculture sector, at nanawagan siya ng agarang tulong lalo na para sa small to medium-scale producers.

Bagamat may posibilidad ng tulong mula sa gobyerno, sinabi niyang hindi pa ito tiyak hangga’t hindi aktwal na naipapamahagi sa mga miyembro ng industriya.

Samantala, isa pang malaking hamon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, na direktang nakakaapekto sa operasyon ng mga palaisdaan—mula sa paggamit ng motorboats at water pumps hanggang sa transportasyon ng feeds at produkto.

Ayon pa sa kanya, pati ang logistics ay naapektuhan, dahil ang mataas na gastos sa biyahe ay kumakain sa kita ng mga nagde-deliver ng supplies, na kalaunan ay nagpapataas din ng gastos ng mga magbabangus.

Nanawagan si Sibayan sa pamahalaan na pakinggan at bigyang pansin ang kalagayan ng aquaculture sector na patuloy na nagsusumikap sa kabila ng mga hamon.