Nasa 40 porsyento na ang konstruksyon ng Bailey Bridge sa Agana, Tarlac, na itinatayo bilang pansamantalang alternatibong tawiran matapos masira ang dating tulay. Patuloy ang trabaho sa kabila ng nararanasang pabugso-bugsong pag-ulan sa lalawigan, na nagdudulot ng pagkaantala sa ilang gawain.
Ayon kay Arvin Cabalu, Provincial Information Officer ng Tarlac, maaari nang payagang makadaan ang mga pedestrian sa sandaling makumpleto ang mga kinakailangang bahagi ng Bailey Bridge at matiyak ang kaligtasan. Gayunman, hindi pa muna papayagang gamitin ito ng mga sasakyan at inaasahang mananatili ang naturang restriction hanggang sa susunod na linggo.
Samantala, bumaba na ang lebel ng tubig sa ilang bahagi ng Tarlac, ngunit patuloy itong minomonitor dahil maaari itong muling tumaas sakaling lumakas ang pag-ulan. Inihahanda rin ang 300 milyong pisong pondo para sa mga kinakailangang proyekto sa mga nasirang tulay, habang isinasailalim pa sa assessment ang Aquino Bridge na kabilang sa mga prayoridad para sa posibleng pagtatayo ng bagong tulay.
Patuloy naman ang paghahanap sa mga nawawala matapos mahulog ang isang van sa Agana Bridge. May natagpuan nang bangkay sa Bayambang, Pangasinan, na patuloy pang kinukumpirma ng mga awtoridad kung kabilang sa mga hinahanap. Nakatuon ang search and rescue operation sa mga katubigan sa bahagi ng Bugallon at Urbiztondo habang nagpapatuloy ang koordinasyon ng mga responder.










