Inaresto ang isang babae mula sa Japan matapos diumano’y ikulong ang kanyang partner nang nakahubad sa kanilang balkonahe magdamag, na naging sanhi ng kanyang kamatayan dulot ng hypothermia, ayon sa mga awtoridad sa Nagasaki noong Biyernes.
Ang 54-taong-gulang na babae ay nahaharap sa mga kasong assault at lethal confinement kaugnay ng insidente noong Pebrero 2022.
Ayon sa mga lokal na opisyal, iniutos ng babae sa kanyang 49-taong-gulang na partner na lumabas sa balkonahe na walang saplot at ikinulong siya doon. Bumagsak ang temperatura ng gabing iyon sa 3.7°C (38.7°F) kung saan kinabukasan, natagpuan ang lalaki na halos patay na sa loob ng kanilang bahay at pumanaw din dahil sa hypothermia.
Bago ito, inatake ng babae ang kanyang partner gamit ang isang kutsilyo, na nagdulot naman ng mga sugat sa ilong nito na tumagal ng dalawang linggo bago gumaling.
Gayunpaman, itinatanggi ng babae ang mga paratang at sinabing “wala akong ginawa,” ayon sa mga pulis.
Samantala, hindi pa ipinaliwanag ng mga awtoridad kung bakit nagtagal bago siya pormal na sinampahan ng kaso.