DAGUPAN CITY- Humihina ang kita at nabibitin sa krudo ang mga tsuper ng pampasaherong jeep at tricycle, dahilan upang mangamba silang tuluyang matigil ang biyahe at matengga sa mga terminal ang kanilang mga sasakyan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng fuel.
Ayon kay Liberty De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), nakikipag-ugnayan na sila sa mga operator, tradisyunal man o modernized, pati na rin sa mga kooperatiba at korporasyon na pansamantalang ibaba ang boundary upang makatulong sa mga driver na sagutin ang gastusin sa amortization, hulog, at krudo.
Ibinahagi ni De Luna na mula sa dating umaabot sa ₱1,000 ang naiuuwi ng mga driver kada araw, bumabagsak na ito ngayon sa ₱250 o minsan ay ₱150 na lamang dahil sa mahal ng diesel.
Dagdag pa niya, marami ring driver ang hindi nakatanggap ng fuel subsidy mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil wala umano ang kanilang pangalan sa listahan ng mga lokal na pamahalaan.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga alkalde na tiyaking mabigyan ng ₱5,000 ayuda ang mga lehitimong tricycle o jeepney driver sa kanilang nasasakupan.
Hiniling din ng grupo ang pag-apruba ng dagdag-pasahe kahit piso lamang, na anila’y malaking tulong na upang makabawi ang mga driver sa kanilang araw-araw na gastusin.










