Tiniyak ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na patuloy na mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang pagsunod ng mga gasoline station sa bayan sa mga ipinatutupad na rollback sa presyo ng produktong petrolyo. Ayon sa alkalde, regular na iniikot ng MDRRMO sa pamumuno ni Sir Carlito Hernando ang mga istasyon upang bantayan ang kanilang pagbebenta, lalo na matapos ang malalaking pagbaba ng presyo na naitala sa bansa pagkatapos ng ASEAN.
Sa kabuuan ay may walo umanong gasoline station na mino-monitor sa Manaoag, at base sa obserbasyon ng LGU ay hindi nagkakalayo ang kanilang mga presyo. May isang istasyon na mas mababa ng kaunti ang presyo ng krudo, habang may mga istasyon naman na mas mababa ang presyo ng extra at unleaded, na aniya ay patunay na nagsisilipan din ang mga ito sa presyo. Dagdag pa ng alkalde, regular silang nakikipag-usap sa mga may-ari sa pamamagitan ng group chat, kaya alam ng mga ito na sila ay binabantayan.
Inaasahan din ng LGU na susunod ang mga istasyon sa nakaambang panibagong pagbaba ng presyo ng petroleum products sa darating na Linggo. Ayon kay Mayor Rosario, inaasahan nilang bababa rin ang presyo ng gasolina at krudo sa bayan kapag ipinatupad na ang nasabing rollback, na magiging malaking ginhawa para sa mga motorista at konsyumer.
Nang tanungin kung may nakahandang executive order sakaling may hindi sumunod sa patakaran, sinabi ng alkalde na mayroon silang mga hakbang para dito, ngunit sa ngayon ay napaka-cooperative ng mga may-ari ng gasolinahan. Ilang beses na rin aniya silang napatawag at naging bukas ang mga ito na makipagtulungan at sumunod sa lahat ng alituntunin at patakaran na ibinababa mula sa national government, maging sa mga lokal na direktiba.
Ikinatuwa ng alkalde ang pagiging responsive ng mga gasoline station, dahil aniya ay layunin ng lahat na maibaba ang presyo para sa ikabubuti ng mga mamamayan ng Manaoag. Tiniyak niya na magpapatuloy ang mahigpit na pagmo-monitor ng LGU upang matiyak na ang bawat rollback ay nararamdaman mismo ng mga konsyumer sa kanilang pagbabayad sa mga istasyon.










