Naghahanda na ang United Filipinos Global-UK at iba pang mga organisasyong Filipino sa Europa at iba’t ibang panig ng mundo para sa serye ng mga aktibidad kaugnay ng nakatakdang pagdinig sa International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Nobyembre 30.
Sa panayam kay Amik Garceniego, Vice Chairman ng United Filipinos Global-UK, sinabi nitong nakahanda na ang kanilang grupo para sa tatlong araw na mga aktibidad mula ngayong araw hanggang Nobyembre 30, na inaasahang dadaluhan ng iba’t ibang organisasyong Filipino mula sa Europa at iba pang bahagi ng mundo, kabilang ang mga bisita mula sa Pilipinas.
Ayon kay Garceniego, mahalaga para sa kanila na mabigyan ng pagkakataon si Duterte na sagutin ang mga paratang laban sa kanya sa pamamagitan ng kanyang defense team sa harap ng ICC.
Personal aniya silang nasasabik na umusad ang proseso ng pagdinig upang maiprisinta ng magkabilang panig ang kani-kanilang mga argumento at ebidensiya.
Inilahad naman niya na magkakaroon ng magkakahiwalay na aktibidad ang kanilang grupo sa loob ng tatlong araw.
Ngayong araw Nobyembre 28, magsasagawa sila ng isang solidarity rally sa isang parke malapit sa The Hague, Netherlands, kung saan inaasahang magtitipon ang mga tagasuporta ni Duterte.
Sa Nobyembre 30 naman, nakatakdang magtungo ang ilang miyembro at tagasuporta sa paligid ng ICC headquarters upang magsagawa ng kilos-protesta bilang pagpapahayag ng kanilang suporta sa dating pangulo at pagtutol sa umano’y hindi makatarungang proseso ng kanyang pagkakaaresto at pagdinig.










