Muling pinaalalahanan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Santa Barbara, Pangasinan, ang publiko na agad ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang anumang aksidente o insidente na nangangailangan ng agarang tulong.
Ito ay kasunod ng napapansin nilang pagkaantala sa pagtawag ng ilang nakasaksi sa mga aksidente, kung saan may mga pagkakataong inuuna pa ang pakikiusyoso at pagkuha ng impormasyon sa halip na agad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan.
Ayon kay Raymondo Tamayo Santos, MDRRMO Municipal Head, mahalaga ang maagap na pagtawag sa kanilang emergency hotline upang agad na makakilos at makapagpadala ng rescue team sa lugar ng insidente.
Paliwanag ni Santos, may nakatakdang oras ang kanilang emergency response personnel upang makaalis sa himpilan sa loob ng tatlong minuto matapos matanggap ang isang emergency call.
Gayunman, hindi nangangahulugang agad na makararating ang rescue team sa lugar ng insidente sa loob ng nasabing oras dahil nakadepende rin ito sa lokasyon at oras kung kailan naiparating sa kanila ang impormasyon.
May mga pagkakataon umanong umaabot na sa dalawampu hanggang dalawampu’t limang minuto bago pa lamang natatawag ang kanilang hotline matapos mangyari ang isang aksidente.
Dahil dito, binigyang-diin ng opisyal na hindi sapat na malaman lamang ng mga tao ang nangyaring insidente. Mas mahalaga na maiparating agad ito sa mga awtoridad upang hindi masayang ang oras na maaaring magamit sa pagsagip ng buhay.
Kabilang sa mga karaniwang tinutugunan ng kanilang emergency response team ang mga vehicular accident, mga taong nangangailangan ng tulong dahil sa pagkalasing, gayundin ang mga pasyenteng nakararanas ng atake sa puso at high blood pressure.
Tiniyak naman ng MDRRMO na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon dalawampu’t apat na oras kada araw, pitong araw sa isang linggo, kabilang ang mga Sabado, Linggo, Pasko at Bagong Taon.
Bukod sa agarang pag-uulat, isa rin sa mga hamong kinakaharap ng kanilang rescue personnel ang kawalan ng pakikipagtulungan ng ilang pasyente habang isinasagawa ang rescue operation.
Ayon kay Santos, may mga pagkakataong nakararanas pa ng pagmumura ang kanilang mga tauhan, partikular kapag ang nirerespondehan ay nasa impluwensiya ng alak o nakararanas ng matinding sakit.
Sa ganitong mga sitwasyon, pinapayuhan niya ang kanilang mga personnel na manatiling kalmado at magbigayan ng responsibilidad upang hindi maapektuhan ang pagbibigay ng tulong.
Sa kabila ng kahandaan ng kanilang rescue personnel at mga kagamitang ginagamit sa pagtugon sa mga emergency, binigyang-diin ng MDRRMO na mahalaga pa rin ang aktibong pakikilahok ng publiko.
Paalala sa mga nakasasaksi ng aksidente, huwag nang maghintay na may ibang taong tumawag o mag-ulat bago humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Sa halip, agad na ipagbigay-alam ang insidente at ibigay ang mahahalagang impormasyon tungkol sa lokasyon at kalagayan ng nangangailangan ng tulong.
Mahalaga rin ang pakikipagtulungan sa mga rescue personnel at pag-unawa sa kanilang ginagawa, lalo na sa mga pagkakataong may pasyenteng hindi maayos ang pakikitungo dahil sa sakit o pagkalasing.
Sa huli, iginiit ng MDRRMO Santa Barbara na hindi lamang nakasalalay sa bilis ng kanilang mga tauhan ang matagumpay na rescue operation. Kailangan din ang maagap na pag-uulat, tamang pakikipag-ugnayan at pagtutulungan ng bawat mamamayan upang mas mabilis na makarating ang tulong sa mga nangangailangan.










