Nagsagawa ng Coastal Clean-Up Activity sa Binmaley Baywalk ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) bilang bahagi ng kampanya para mapanatili ang kalinisan at pangalagaan ang karagatan.

Pinangunahan ng Public Employment Service Office (PESO) Binmaley ang aktibidad sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 at PESO Provincial Office.

Layunin ng nasabing gawain na mapanatiling malinis ang baybayin, maiwasan ang pagdami ng basura sa karagatan at mapalakas ang kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran.

--Ads--

Sa pamamagitan ng pakikilahok ng mga benepisyaryo ng TUPAD, naipakita rin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos at pananagutan ng bawat mamamayan sa pagpapanatili ng malinis at ligtas na kapaligiran.

Patuloy namang hinihikayat ang publiko na makiisa sa mga gawaing pangkalikasan at panatilihin ang kalinisan sa mga baybayin upang mapangalagaan ang yamang-dagat para sa susunod na henerasyon.