Nasamsam ng mga tauhan ng Lingayen Municipal Police Station (MPS) ang 27 kahon ng hinihinalang ilegal na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱2.7 milyon sa isang cargo hub sa Barangay Pangapisan North, Lingayen, Pangasinan, noong Nobyembre 23, 2026.

Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, hepe ng Lingayen MPS, nadiskubre ang naturang shipment matapos magbigay ng impormasyon ang isang suspek na naaresto noong Nobyembre 20 dahil sa pagdadala ng 10 kahon ng ilegal na sigarilyo na nahuli sa isang checkpoint.

Batay sa impormasyong nakuha ng kapulisan, may darating pang 27 kahon ng mga ilegal na sigarilyo na kukunin sa J&T Express Hub. Agad na nakipag-ugnayan ang mga pulis sa pamunuan ng cargo hub at nagsagawa ng inspeksiyon sa presensya ng mga opisyal ng barangay at kinatawan ng establisimyento.

--Ads--

Sa isinagawang inspeksiyon, natuklasan ang 22 kahon ng Black Hawk Black Menthol American Blend at limang kahon ng Bosqu cigarettes. Bawat kahon ay naglalaman ng 50 ream, na may kabuuang 1,350 ream at tinatayang halagang ₱2.7 milyon.

Ayon pa kay Gonzales, nagmula sa Pagadian City, Zamboanga del Sur ang ipinadalang mga sigarilyo at nakatakdang kunin sa Lingayen. Nasa kustodiya ng pulisya ang pagkakakilanlan ng sender at receiver habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso. Nilinaw din niyang walang kaalaman ang pamunuan ng J&T Express hinggil sa ilegal na laman ng shipment.

Samantala, pansamantalang pinalaya ang naunang naarestong suspek habang nagpapatuloy ang proseso ng pagsasampa ng kaso kaugnay ng insidente.

Binigyang-diin ni Gonzales na kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng Lingayen MPS at Pangasinan Police Provincial Office sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Dennis L. De Leon ang pagsugpo sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo.

Nagpaalala rin ang hepe sa publiko na iwasang bumili at tumangkilik sa mga pekeng sigarilyo dahil hindi dumaraan sa wastong quality control ang mga ito at posibleng naglalaman ng mapanganib na sangkap na maaaring makapinsala sa kalusugan ng mga naninigarilyo.