Dagupan City – Inilunsad ng City Population and Development Office ng Dagupan City ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women o VAW bilang bahagi ng pagsusulong ng proteksyon, karapatan at kaligtasan ng kababaihan sa komunidad.

Isasagawa ang kampanya mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12, 2026, na may temang “United for a VAW-Free Philippines.”

Ayon kay Malen Bernadette Pilon, City Population and Development Officer, magsasagawa ang kanilang tanggapan ng iba’t ibang pagsasanay, lecture at information dissemination sa mga barangay at paaralan upang mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa pag-iwas at pagtugon sa iba’t ibang uri ng karahasan laban sa kababaihan.

Binigyang-diin ni Pilon na hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan ang pagpigil sa ganitong uri ng karahasan kundi maging ng bawat mamamayan, partikular ang mga kalalakihan at kabataang lalaki, na hinihikayat na maging katuwang sa pagtataguyod ng respeto, pagkakapantay-pantay at pananagutan.

Samantala, kasabay din ng paglulunsad ng kampanya ang pagdiriwang ng Population and Development Week o PopDev Week mula Nobyembre 23 hanggang 29 na nakatuon naman sa pagpapalakas ng kamalayan tungkol sa responsableng pagiging magulang, family planning at kalusugan ng mga kabataan.