Dagdag-pasanin sa mga magsasaka sa Bongabon, Nueva Ecija ang matinding init ng panahon at pagdami ng mga peste sa kanilang mga pananim habang naghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Ayon kay Mark Paul Rubio, isang magsasaka sa Bongabon, bagama’t nananatili pang sapat ang suplay ng tubig sa kanilang lugar, kailangan nilang gumamit ng water pump upang matiyak ang patuloy na patubig sa kanilang mga pananim.
Kabilang sa mga posibleng epekto ng matinding init ang paghina ng mga halamang palay, pagliit ng butil nito at pagdami ng mga insektong mas aktibo sa mainit na panahon.
Sa kasalukuyan, nagtatanim si Rubio ng sibuyas sa 2.5 ektarya at kamatis sa 1.8 ektarya ng lupain. Gayunman, napansin na umano niya ang presensya ng mga peste sa kaniyang mga bagong tanim na sibuyas kaya agad siyang nagsagawa ng pag-iisprey ng pestisidyo upang maiwasan ang pagkasira ng mga pananim.
Bukod sa banta ng El Niño at mga peste, problema rin ng mga magsasaka ang patuloy na mataas na presyo ng mga abono, herbicide at iba pang agricultural inputs habang hindi naman tiyak ang presyo ng kanilang mga aanihing produkto.
Dagdag pa rito ang gastusin sa diesel na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga water pump, lalo’t wala pa umanong solar-powered irrigation system sa kanilang lugar.
Dahil dito, umaasa si Rubio sa agarang tulong ng Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan, partikular sa fuel subsidy, solar-powered water pumps at libreng biocontrol o panlaban sa peste.
Hiniling din niyang maipagkaloob ang mga naturang tulong bago pa tuluyang maapektuhan at matuyo ang mga pananim ng mga magsasaka.










