Sa gitna ng pagdiriwang ng Investor Protection Week ngayong Nobyembre at sa nalalapit na pagtanggap ng mga empleyado ng kanilang bonus at 13th month pay, muling nagpaalala ang Securities and Exchange Commission sa publiko na maging maingat bago maglabas ng pera para sa anumang investment.

Binigyang-diin ni Helen Veryan Valdez, Information Officer ng SEC, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan na ang unang hakbang bago mag-invest ay ang pag-verify kung lehitimo ang kumpanya at ang taong nag-aalok nito. Aniya, ang isang korporasyon na maaaring mangalap ng investment ay dapat na rehistrado sa SEC at mayroong secondary license para makapag-operate bilang investment company, habang ang nag-aalok mismo ay dapat na may lisensya bilang securities salesperson na nakukuha matapos makapasa sa certification examination ng SEC.

Nagbabala rin si Valdez sa mga karaniwang senyales ng investment scam tulad ng pangakong malaking kita sa maikling panahon. Halimbawa nito ang sampung libong piso na magiging tatlumpung libo sa loob lamang ng isang buwan o ang tatlumpung libong piso na kikita ng siyamnapung libo buwan-buwan habambuhay. Kung too good to be true, malamang ay scam ito.

--Ads--

Kabilang din sa mga dapat bantayan ang pamimilit at pagmamadali gamit ang promo na ngayong araw lang, ang purong online na transaksyon na walang face-to-face na pag-uusap at walang opisina, at ang paghingi ng pera nang walang ID at walang kontrata kundi tiwala lamang.

Kabilang sa mga modus na patuloy na mino-monitor ng SEC ang Ponzi scheme kung saan ang ibinabayad ng bagong investor ang siyang ipinambabayad sa naunang investor kaya umiikot lamang ang pera. Nariyan din ang task scam kung saan pinagbabayad muna bago makagawa ng task at makuha ang payout, at ang mga cryptocurrency investment na walang kaukulang lisensya mula sa SEC. Nilinaw ni Valdez na hindi lahat ng nag-aalok online ay peke, ngunit kailangang beripikahin muna kung may lisensya ang kumpanya at ang nag-aalok nito.

Batay sa tala ng SEC, kabilang sa mga madalas mabiktima ay mga young professionals, guro, government at private employees, uniformed personnel, senior citizens at pensioners, at mga returning Overseas Filipino Workers na nais nang mag-for good sa Pilipinas gamit ang kanilang naipon.

Payo ng SEC, agad na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na SEC Extension Office, sa PNP, o sa PNP Anti-Cybercrime Group kung online naganap ang transaksyon. Maaari ring direktang mag-file ng reklamo online sa SEC iMessage sa imessage.sec.gov.ph, kalakip ang affidavit at anumang ebidensya tulad ng screenshots at patunay ng pagbibigay ng pera. Para ma-verify ang isang kumpanya o salesperson, maaaring bumisita sa checkwithsec.sec.gov.ph.

Sinabi rin ni Valdez na mayroon nang mga ongoing cases at mga nahuli na dahil sa paglabag sa Securities Regulation Code. Ngunit aminado siya na mahirap nang mabawi nang buo ang perang na-scam, lalo na sa Ponzi scheme, dahil naipamigay na ito bilang pekeng return of investment. Isa rin sa mga hamon ng kanilang tanggapan ay ang kakulangan ng dokumentasyon mula sa mga biktima dahil marami ang hindi na nagpapatuloy sa pagsasampa ng reklamo.

Muling pinaalalahanan ng SEC ang publiko na bago mag-invest ay mag-imbestiga muna at laging mag-check sa SEC.