Hinimok ng isang transport cooperative sa lungsod ng Dagupan ang pamahalaan na maglabas muna ng malinaw na panuntunan at sapat na subsidiya bago tuluyang isulong ang paglipat ng mga pampublikong sasakyan sa Electric Vehicles (EV).
Sa panayam kay Jessie Quiroz, Chairman ng Dagupan City Bonuan Loop Transport Cooperative, binigyang-diin nito na bagama’t maganda ang layunin ng gobyerno, masyadong mabigat sa bulsa ng mga operator ang kasalukuyang halaga ng mga EV unit at ang kawalan ng nakalatag na imprastraktura.
Ayon kay Quiroz, umaabot sa ₱4.2 milyon ang presyo ng isang EV—halos doble kumpara sa regular na modern jeepney o bus na nagkakahalaga lamang ng ₱2.8 milyon hanggang ₱3.1 milyon.
Bukod dito, dagdag-pasanin din sa mga kooperatiba ang pagbili ng sariling charging system dahil wala pang sapat na pampublikong charging stations sa kanilang ruta, kung saan pumapalo sa ₱26 hanggang ₱28 per kilowatt-hour ang singil sa kuryente.
Sa kabila ng mga hamon, ibinahagi ni Quiroz na mayroon nang anim na electric vehicles ang bumibiyahe sa ilalim ng kanilang kooperatiba at napatunayan nilang malaki ang natitipid nito sa araw-araw na konsumo kumpara sa mga sasakyang gumagamit ng krudo o Internal Combustion Engine (ICE).
Gayunpaman, iginiit ng lider ng kooperatiba na hindi pa handa ang sektor para sa malawakang pagbili hangga’t walang malinaw na suportang pinansyal mula sa gobyerno.
Kumpara umano sa mga ICE unit na nakatanggap ng equity subsidy mula ₱160,000 hanggang ₱360,000, wala pang ibinababang memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung magkano ang maaaring makuha ng mga operator para sa mga EV.
Umaasa ang kooperatiba na agad tutugunan ng LTFRB ang usaping ito upang maging makatotohanan at abot-kaya para sa mga transport operator ang paglipat sa makakalikasang transportasyon.










