Ligtas at normal ang sitwasyon ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Congo sa kabila ng mga kumakalat na ulat sa social media tungkol sa Ebola outbreak.
Sa live na panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa Bombo Reports Afternoon Edition nitong Miyerkules, Nobyembre 18, 2026, kapwa tiniyak nina John Mark Daong ng Democratic Republic of Congo at Henry Escalante ng Republic of Congo na malayo sa kanilang kinaroroonan ang pinagmulan ng mga ulat at walang lockdown o kaso ng Ebola sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Daong, isang security officer, halos 100 kilometro ang layo ng outbreak mula sa kanila, bihira silang lumabas dahil full-time ang trabaho, secured ang kanilang compound, at may sariling clinic ang kumpanya. Mas pinag-iingatan aniya nila ngayon ang malaria kaysa Ebola.
Samantala, nilinaw ni Escalante, na nasa Congo na simula pa noong Disyembre 2011 at nagtatrabaho sa isang logging company, na siya ay nasa Republic of Congo at hindi sa Democratic Republic of Congo — dalawang magkaibang bansa bagama’t magkalapit sa Central Africa. Nasa isolated area aniya sila na 500 kilometro ang layo mula sa city at dalawa lang silang Pinoy doon, at wala rin aniyang nararanasang outbreak o lockdown ang iba pang Pinoy na nakausap niya sa ibang lugar.
Ibinahagi rin ni Escalante na matagal na niyang naririnig ang tungkol sa Ebola at ayon sa kuwento sa kanya ng isang Indonesian chief mechanic na 40 taon nang nagtatrabaho doon ay nagkaroon noon ng massive outbreak sa isang lugar na halos 50 kilometro mula sa kanila na ngayon ay mistulang ghost town na. Sa huli, kapwa nanawagan ang dalawa sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas na huwag mag-alala, kabilang ang pamilya ni Daong sa Calintahan, San Jose, Oriental Mindoro.










