SRI LANKA — Mahigit 12,000 katao ang naapektuhan ng pagbaha sa Sri Lanka kasunod ng malakas na bagyong tumama sa rehiyon noong Oktubre 27. Isa ang naiulat na nasawi, habang patuloy na nangangamba ang mga residente dahil sa inaasahang pagpapatuloy ng mga pag-ulan.

Ayon kay Priscilla Rollo Wijesooriya, correspondent ng Bombo International News sa Sri Lanka, malakas ang bagyong nagdulot ng pag-ulan sa ilang lugar sa bansa. Bagama’t hindi direktang tumama sa kanilang lugar ang bagyo, ang malalakas na pag-ulang dala nito ang naging sanhi ng pagbaha.

Dagdag pa ni Wijesooriya, nananatiling problema ang sitwasyon dahil inaasahang magpapatuloy ang mga pag-ulan, na maaaring magpalala sa pagbaha at magdulot ng karagdagang pinsala sa mga komunidad.

--Ads--

Malaki rin ang epekto ng kalamidad sa sektor ng agrikultura dahil nasisira ang mga pananim, na posibleng makaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka at suplay ng pagkain sa mga apektadong lugar.

Patuloy na binabantayan ang sitwasyon sa Sri Lanka habang nananatili ang banta ng pag-ulan at posibleng karagdagang pagbaha.